A. Katangian ng bangus na angkop upang alagaan
Kumakain ng maliliit na hayop at halamang tubig (plankton) na sagama sa Lawa ng Laguna.
Nabubuhay sa tubig tabang at mabilis ding lumaki kung sapat ang pagkain.
Popular sa bansa bilang pagkaing isda.
Mataas ang presyo sa palengke.
B. Pinanggagalingan ng binhi o semilya ng bangus
Maraming lugar sa mga pasigan ng bansa ang pinanghuhulihan ng kawag-kawag o “fry”.
Pinalalaki ang kawag-kawag ng mga may-ari ng semilyahan o hanggang maging “fingerling”.
Mga bayang karaniwang pinangagalingan ng semilya ay Dampalit, Malabon, Hagonoy, Obando at Paombong. Marami ring iba pang bayan sa Luzon na maaaring panggalingan ngunit lubha nang malalayo ito sa lawa.
C. Pagbibiyahe ng semilya mula sa pinagbilhan hanggang sa lugar ng “fishpen”
Pituya ang pinaglululanan ng mga nabiling semilya.
Mula sa pinagbilhan, ang bangka (pituya) ay maglalayag sa Manila Bay at Pasig River hanggang sa Laguna de Bay ng mga apat na oras o higit pa batay sa pagmumulan ng binhi.
Habang naglalakbay ang pituya, ang “aerator” ng tubig na may semilya ay umaandar.
Kaalinsabay ng paglalakbay ay ang unti-unting paghahalo ng tubig sa pinagmulan ng semilya at tubig ng Laguna de Bay. Ang tawag dito'y “acclimatization” upang huwag mabigla ang mga semilya sa tubig ng Laguna de Bay pagdating sa patutunguhan.
Ang paghahalo ay ginagawa sa pamamagitan ng pagbabawas ng dating tubig sa tulong ng bombang pangtubig. Kasabay nito ay ang pagbubukas ng sadyang butas sa pituya upang makapasok ang sariwang tubig sa lawa.
Dapat gawin ang pagbibiyahe kung hindi maalon ang lawa.
D. Pagdating sa kinalalagyan ng “fishpen”
Pansamantalang ilalagay muna ang semilya sa nakahandang “pen nursery” ng fishpen na ang mga mata ay may laking 1/4 pulgada o 6 mm.
Ang karaniwang luwang ng nursery ay mga 10% ng “pen enclosure” o palakihan.
Habang nasa “pen nursery” binibigyan ng dagdag na pagkain ang semilya bukod sa likas na pagkaing tubig sa lawa.
Pinong darak ang karaniwang ipinapakain sa araw-araw at sa daming 5% ng kabuuang timbang ng mga semilya.
Ang mga semilya ay mananatili sa nursery sa loob ng isa o dalawang buwan alinsunod sa gustong laki (dalawa't kalahati hanggang apat na daliri) o hanggang ang mga ito ay di na makalulusot sa butas ng “pen enclosure”.
E. Pag-aalaga sa “pen enclosure”
Pawawalan ang mga semilya sa palakihang “pen enclosure” pagdating ng takdang laki.
Ang tamang panahon ng “stocking” or pagpapawala mula sa “nursery” ay buwan ng Marso. Ang Marso hanggang Hunyo ang pinakamainan na buwan para sa “fishpen culture”.
Ang umiiral na bilang ng pinawawalan ay 30 000 hanggang 40 000 semilya bawat isang ektarya. Sa ganitong bilang ay karaniwang di na kailangan ang dagdag na pagkain. Sapat na ang likas na dami ng pagkaing tumutubo sa tubig.
Kung di sapat ang nakukuhang pagkain mula sa tubig, karaniwang binibigyan ang alagang bangus ng pinong darak o kaya'y mga luma o di na mabiling apa at tinapay.
Ang karaniwang dami ng darak na ibibigay araw-araw ay 5% ng kabuuang timbang ng isda. Bawat buwan ang dami ng darak ay binabago alinsunod sa paglaki ng isda.
Batay rin sa laki ng isda at dami ng pagkaing likas sa tubig, ang isang sako ng apa o tinapay sa bawat araw ay sapat na sa tatlo hanggang limang ektarya.
Kung patuloy ang di pagsapat ng pagkaing tubig bawat panahon, maaari ring bawasan ang dami ng pinawawalan sa “pen enclosure”, halimbawang 20 000 isang ektarya, upang hindi na magdagdag ng pagkain. Malaki pa rin ang tutubuin sa 20 000 isang ektaryang “stock”.
F. Karagdagang bagay na dapat gawin sa pangangasiwa
Subaybayan at itala ang dami ng inilagay na semilya pati ang pagtantiya sa dami ng namamatay.
Matyagang mabuti ang “fishpen” araw-araw lalo na ang unang dalawang linggo matapos mag-“stock” sa “nursery” upang magkaroon ng ideya sa bilang ng namamatay o natitirang buhay. Ayon sa karanasan, mga 80 hanggang 90% ng mga isdang patay ay lumulutang. Kaya't malaki na ang pataan kung dodoblehin na lamang ang bilang ng mga nakuhang patay upang masali sa bilang ang mga patay sa ilalim ng tubig.
Sa pag-aani, bilangin din ang mga ipinagbibiling bangus sa banyera. Sa gayo'y patuloy na malalaman humigit-kumulang ang naiiwan pa sa “pen enclosure”.
Araw-araw na ikutan at bisitahin ang mga lambat ng “nursery” at palakihan. Kung maaari, minsan sa umaga at minsan sa hapon. Sa gayo'y makikita kung may punit, nakakaligtaang tahiin, nanakawan, o may parteng dapat na palitan sa tagal ng panahon.
Bantayan ang “fishpen” lalo na kung gabi. Ang mga bantayang kubo ay dapat na ilagay sa isang angkop o “strategic” na lugar.
G. Paghahanda sa pag-ani at pagtitinda
Pagkatapos ng mga apat o limang buwang pagaalaga ay maaari ng umpisahan ang unti-unting pag-ani ng bangus. Umaabot ang pag-ani hanggang walong buwan.
Karaniwang batayan sa pag-aani ay ang laki ng isda, presyo sa palengke at lagay ng panahon.
Pukot, pante at maging dala ang mga karaniwang ginagamit sa paghuli.
Kung ang bangus ay lasang “gilik”, ihiwalay ang luwang na pag-aanihan sa pamamagitan ng pansamantalang mga panghating lambat. Pakainin araw-araw ang mga isda ng mga lumang tinapay at apa. Nawawala ang lasang gilik pagkatapos ng mga dalawang linggong pagpapakain. Sinasabi ring lumilipas ang lasang “gilik” pagkatapos ng isa o dalawang buwan ng di na kailangang pakanin ang bangus.
Ang paglalasang gilik ay nararanasan kung magtatapos na ang tag-araw hanggang umpisa ng tagulan, lalo na kung Hunyo at Hulyo.
Sa paggamit ng panghuling lambat ingatang huwag magsiksikan sa loob ang isda o masugatan ng di ito mamula.
Dapat may sapat na lulang yelo ang bangka o pituya na paglalagyan ng huling bangus upang mapangalagaan ang mataas na kalidad o uri.
Pagdating sa Navotas Fishing Port, pinaghihiwa-hiwalay ang magkakasinglaking bangus at inilalagay sa mga banyera.
Ang halaga ay sumusunod sa laki ng isda. Mataas ang halaga ng malalaking bangus.
H. Mga iba pang suliranin sa “fishpen culture”
Karaniwang pagdaan ng malakas na hangin sa lawa lalo na kung panahon ng amihan o mga buwan ng Nobyembre hanggang Enero; at panahon ng habagat o buwang Hulyo hanggang Oktubre. Pangkaraniwan din ang bagyo na may dalang hanging may bilis na 50 hanggang 10 km bawat oras o higit pa kung buwan ng Hulyo hanggang Nobyembre.
Ang lakas ng hangin at bagyo ay nakakabalam sa paggawa at sanhi ng pagkasira ng “fishpen”, gawa ng paglaki ng alon na may dalang malalaki at naglutang na halamang tubig tulad ng “water hyacinth” at gayundin ang paglabo ng tubig.
Ang paglabo ng tubig ay nakasasama sa pagsibol ng likas na pagkaing isda sa tubig.
Ang manaka-nakang pagdaan ng masamang tubig o ang biglang pagdami at pagkamatay ng “liya” at ang mga iba pang duming pumapasok sa lawa ay nagiging sanhi ng pagkaubos ng oksiheno (oxygen) sa tubig. May mga pamamaraang maaaring gawin upang maiwasan ang pagkamatay ng isda o pagkalugi sa negosyo kung dumating ang ganitong pagkakataon. Halimbawa nito ay ang mabilis na pagpapatakbo ng bangkang may motor sa loob ng “fishpen” o paggamit ng bombang pang tubig upang magkaroon ng “water circulation”.
Ang “poaching” o pagnanakaw ng isda sa “fishpen” ay pangkaraniwang pangyayari na. Kaya't kailangan ang matalino at matiyagang pagbabantay.
Ang paghalo ng “predators” na isda sa loob ng “fishpen” na kumakain sa mga semilya ay isa sa mga dahilan ng pag-unti ng ani. Kailangang mahuli ang mga ito sa pamamagitan ng lambat bago magpawala ng mga semilya. Ang buan-buan at dalag ay mga halimbawa ng “predators” o uri ng isda na kumakain ng kapwa isda.